USO...
Naalala ko nung bata pa ako, wala pang mga computer shop at wala ring internet. Mahal ang Family Computer, mahal ang Atari at mahal rin ang Supernintendo. Nakakasawa din ang mga computer games kasi di na kagandahan ang graphics, mahal pa ang isang cartridge (hanggang ngayon). Meron ngang pagcomputeran kaso palaging puno. At di lang yun, hanggang 2 players lang ang kaya nung computer at swerte ka na kung may turbo yung joystick mo.
Dahil dito, napipilitan ako na maghanap ng mas exciting at enjoyable na laro kasi the more the players, the merrier the game goes at saka mas marami kang makakantsawan kung sakaling nanalo ka (di bale na kung talo, pwede ka namang magrason o kaya'y pagbintangan mong tyope ang mga kasama mo). Madami namang pwedeng pagpilian e. Hindi pa magastos. Andiyan ang sipa, jolens, agawan base, touch ball, patintero, lastiko, teks, palattuki, boka, paway at iba pa. Ang nagiging problema lang sa mga larong ito ay yung tinatawag nilang tiyempo.
Tiyempo, ito yung panahon o oras na pwede mong laruin ang isang klase ng laro. Kunware tiyempo ng larong Teks (hindi ito text messaging, ito yung old school na pelikula na ginawang komiks/manga na inilagay sa isang 1"x1.5" na karton na karaniwang umaabot sa 52 pages), sa panahon ng teks, kailangan teks lang ang pwede mong laruin. Hindi pwede ang sipa, hindi rin pwede ang jolens. Kasi sa tiyempo ng teks, walang magbebenta ng sipa, wala ring magbebenta ng jolens. Ito yung uso e. Kung ayaw mo ng teks at gusto mo magjolens, wala kang kalaro at kailangan mo pang antayin ang tiyempo ng jolens (matagal ang isang tiyempo... umaabot siguro ng 2 months).
Dahil sa mga tiyempo na ito, nagkaroon ako ng mga katanungan na hanggang ngayon e di pa nasasagot. Sino nga ba yung utak sa mga tiyempo at pauso na yan? Bakit marami sa atin ang nakikisabay sa pauso na yan? Nakikisabay nga ba tayo? O sadyang madali lang tayong mauto syempre bata pa lang tayo noon e.
Pero di mo ba naisip? Hanggang ngayon, carry pa rin natin ang mga pauso-uso na yan. Eto example. Sa music. Di ba naging uso ang pagiging dancer nuon? Yung Universal Motion, yung Street Boys, yung mga dancer dancer na yan? Di mo ba napansin kung saan na napunta yung mga taong minsan ay nangarap na maging dancer nuon? Yung mga nagtayo ng sarili nilang dance troupe, yung mga nagpagawa ng costume, yung mga nagpacustomize ng pantalon na 16 inches ang luwang nung butas dun sa may paa, yung mga kinulayan ng brown ang buhok, yung mga nagkabali-bali ang buto dahil sa kapapraktis ng tik-tak o kung ano pang tumbling? Asan na sila? Sila na ba yung mga taong nagpraktis maggitara at sumali sa banda nung nauso ang Rock nuong 1990's? Nagpahaba ba sila ng buhok? Nakinig ng NU107? SIla na rin ba yung nag-shift sa rap metal nung nalaos ang OPM rock? Sila na ba yung mga EMO nung nauso ang Emo? O sila na rin ba yung mga galit sa Emo nung marami nang asar sa Emo? Galit sa dati nilang sarili... Ewan...
Maiba naman tayo. Pumunta naman tayo sa mga balita. Meron yung mga oras na isang topic lang ang pinaguusapan ng lahat. Kahit anong channel ang puntahan mo, pareho ang ibinabalita nila yung tipong tutok na tutok talaga sila sa balitang yon at parang wala nang iba na pwedeng ibalita. Eto... Magbibigay ako ng isang halimbawa. Kilala mo pa ba si Angelo Dela Cruz? Familiar ang name diba pero kung di mo na siya kilala, siya yung OFW na nakidnap sa Iraq noong 2004. Laging laman ng balita nuon si Angelo, simula nung nakidnap siya hanggang sa napalaya siya. Oras-oras, kahit anong channel, mukha niya ang makikita mo. Sikat kumbaga. Pagkarating sa Pilipinas, nabigyan ng trabaho, pera, tricycle, etcetera at sobra-sobrang attention. Sarap sigurong makidnap sa Iraq. Pero hindi yun ang pinapansin ko ngayon. Gusto ko lang malaman kung napaano na siya? Musta na kaya si Angelo Dela Cruz? Bakit wala na akong balita tungkol sa kanya? Laos na ba siya? O nakahanap na naman tayo ng mas interesting na balita tulad ng sex scandal.
Naalala ko tuloy yung aso naming claustrophobic. Nagiisip kami kung ano ang ipapangalan namin sa kanya. Sabi ko Bruce Lee na lang para madaling tandaan. E ayaw nila kasi laos na raw si Bruce Lee kaya yun, pinangalanan nilang "Hayden" kasi uso nga naman ang sex scandal nuon. E ngayong di na uso ang sex scandal? Musta na kaya si Hayden? Ayun, claustrophobic pa rin.
Musta na kaya si Jun Lozada? Musta na ang ZTE scandal? Musta na yung imbestigasyon ng senado? Mukhang wala na akong naririnig tungkol sa kanila. Laos na ba sila?
Ang ibig bang sabihin nito ay kung uso ka ngayon, balang araw, malalaos ka rin?
Ikaw?
Sunod ka ba sa uso?
O sadyang napakadali mo lang mauto?
posted by:
zuluwashere
No comments:
Post a Comment